Linggo, Marso 23, 2014

Maligayang Kaarawan sa Iyo

"Happy Birthday!"

Iyan agad ang mensaheng natanggap ko kanina pagkabukas ko ng aking cell phone maging ng aking facebook account. 
Oo nga pala, kaarawan ko ngayon. Marso 24 na naman pala ngunit Marso 23 pa sa ibang bansa, baka may bumati pa hanggang bukas mula sa ibayong dagat (biro lang). Ngayon ay ika-17 taon ko na sa mundong ibabaw at patanda pa ng patanda sa mga sumusunod pang oras. 

Minsan, naisip kong bumalik sa pagkabata dahil naiinggit ako sa mga batang binibigyan ng regalo ng kanilang mga magulang. Mga pasalubong sa tuwing sila ay umuuwi sa kanilang tahanan. "Anong sarap maging maliit na bata. Sana habang buhay na lang akong bata."

Ngunit paglipas ng panahon at pagtungtong ko ng kolehiyo, naiba ang aking pananaw ukol sa bagay na iyan. Sadyang marunong ang Dios at hindi niya tayo ginawang habang buhay na bata. Sadyang di malirip ang kanyang kagandahang loob. 

Napag-isip-isip ko rin na walang mangyayari kung habang buhay kang maliit na bata. Hindi ka magiging maunlad dahil bata ka. Nasa isip mo ay puro laro lang. Walang iniintinding iba kundi ang sarili. Hindi mo kayang ipagtanggol ang iyong sarili sa mga panganib bunga ng iyong kakulangan dahil bata ka lang. At marami pang iba.

Ngayong ako'y 17 na, masasabi kong hindi na ako bata. Kinakailangang unti-unti na akong tumayo sa sarili kong paa at magsumikap sa buhay. Hindi ko na maaaring iasa sa aking mga magulang ang lahat ng aking mga pangangailangan. Oras na upang ako naman ang magsukli sa mga kabutihang naidulot nila sa akin kahit paunti-unti lang.

Sa mga bumati sa akin sa araw na ito at sa mga babati palang, salamat sa pag-alala sa aking kaarawan. Nawa'y humaba pa ang aking buhay upang makapaglingkod pa ako sa Dios at aking kapwa.